MANILA, Philippines – Umabot na sa 1,378 pampublikong paaralan sa anim na rehiyon ang napinsala matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani noong Hunyo 8, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sa Situation Report No. 9 na inilabas ng ahensya, kabuuang 8,740 silid-aralan ang naapektuhan ng pagyanig. Sa bilang na ito, 5,378 ang nagtamo ng minor damage, 1,774 ang may major damage, habang 1,588 ang tuluyang nawasak.
Nakapagtala rin ang DepEd ng 193 nasirang pasilidad para sa tubig, sanitasyon at kalinisan o WASH facilities.
Pinakamaraming apektadong paaralan ang naitala sa South Cotabato na may 227, sinundan ng North Cotabato na may 218, Sarangani na may 188, Sultan Kudarat na may 159, Davao Occidental na may 112 at Davao del Sur na may 104.
Ayon sa DepEd, nananatili pa ring suspendido ang klase sa 3,500 paaralan habang 5,590 paaralan naman ang nakapagbalik na sa normal na klase matapos ang safety inspections at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan.
Paliwanag ng ahensya, nakabatay pa rin ang pagpapatuloy ng klase sa kalagayan ng mga gusali at resulta ng patuloy na pagsusuri sa kaligtasan ng mga paaralan.
Samantala, pitong paaralan sa Sarangani ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers ng mga residenteng naapektuhan ng lindol.
Tinatayang P39.84 milyon ang kakailanganin para sa paglilinis at clearing operations sa mga nasirang paaralan, habang nasa P263.52 milyon naman ang kinakailangan para sa minor repairs ng mga silid-aralan.
Sa ngayon, nakapaglabas na ang DepEd ng P21.9 milyong pondo para sa 104 apektadong paaralan sa Regions IX, X, XI, XII at Caraga para sa paglilinis at pagkukumpuni ng mga pasilidad.
Nagsasagawa na rin ng joint inspection ang DepEd at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa General Santos City at Sarangani upang matiyak ang structural safety ng mga napinsalang gusali ng paaralan.
Sinabi pa ng DepEd na nagsimula na rin ang psychological first aid para sa mga emergency responder at susunod na isasagawa ang psychosocial intervention para sa mga mag-aaral sa oras na tuluyan nang maibalik ang regular na klase. RNT/JGC