MANILA, Philippines – Kinontra ng Manila Police District (MPD) ang haka-haka na bagong modus ang viral video kung saan isang food delivery rider ang humarang sa isang kotse sa Roxas Boulevard.
Sa backtracking gamit ang plaka, nalaman ng pulisya na residente ng District 2, Tondo ang delivery rider at wala itong criminal record.
Sa imbestigasyon, sinabi ng pamilya na dumaranas ang rider ng anxiety at depression dahil sa problema sa pamilya ilang taon na ang nakalipas.
Posibleng nakaapekto ito sa kakaibang kilos niya sa video.
Sa viral video, ilang beses hinarang ng rider ang kotse sa Roxas Blvd, Maynila.
Sa kuha ng dashcam ng kotse, sinasabing may babae umano sa loob ng hood.
Pero hindi na naghain ng reklamo ang driver habang hindi rin nakapagpakita ng medical documents ang pamilya tungkol sa kondisyon ng rider.
Ayon sa MPD, ipinauubaya na nila sa Land Transportation Office (LTO) ang hiwalay na aksyon sa insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden