ILOCOS NORTE-Tigok ang isang 22-anyos na lalaki matapos na mabangga ng Toyota Hilux ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. 6 Dilavo, Pasuquin ng lalawigang ito kahapon, Oktubre 1.
Ayon sa Pasuquin Municipal Police Station, ang driver ng Yamaha Sniper ay residente ng Pagudpud, Ilocos Norte samantalang ang 64-anyos na lalaking driver ng Toyota Hilux ay residente ng Claveria, Cagayan.
Sa imbestigasyon, ang Toyota Hilux ay bumibiyahe patungong hilagang direksyon sa national highway sa nabanggit na lugar.
Pagdating nito sa pakurbang parte ng kalsada, nawalan ng kontrol sa manibela ng sasakyan ang drayber kaya nasakop nito ang kabilang lane hanggang sa mabangga nito ang nakasalubong na motorsiklo.
Dahil sa lakas ng impact, umislayd ang motorsiklo ng halos 30 metro ang layo mula sa point of impact samantalang ang Toyota Hilux ay nahulog naman sa creek sa lalim na 10 meters.
Ang driver ng motorsiklo ay idineklarang dead on the spot ng MHO Pasuquin samantalang ang driver ng Toyota Hilux ay isinugod naman sa RHU. Rolando S. Gamoso