MANILA, Philippines – Swak sa selda ang 20-anyos construction worker na wanted sa kaso ng panghahalay sa isang babae matapos masakote ng pulisya sa manhunt operation sa Malabon City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig na naispatan sa kanilang lugar sa Brgy., Catmon ang akusadong si alyas “Rov” matapos umanong magtago makaraang akusahan ng panghahalay sa hindi na binanggit na biktimang babae.
Ayon kay Col. Umipig, ang akusado ay nakatala bilang No. 6 sa Ten Top Most Wanted Person sa Malabon City Police Station.
Dakong alas-5 ng hapon nang makorner ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ang akusado malapit sa kanyang tirahan sa Pilapil St. Brgy. Catmon.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi ng mga operatiba ng WSS sa kanya ang warrant of arrest na may petsang Agosto 6, 2025 na inilabas ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 170 para sa kasong rape.
Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado na pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng Malabon Police Station. /Rene Manahan