MANILA, Philippines- Iprinoklama si Kerwin Espinosa na nanalo sa mayoral race sa Albuera, Leyte sa May 2025 midterm elections.
Batay sa partial and unofficial results, hanggang alas-6:42 ng umaga nitong Martes, nakakuha si Espinosa ng 10,939 boto.
Nakakuha naman ang kanyang mga katunggali na sina Vince Rama at reelectionist Sixto dela Victoria ng 7,081 boto at 2,761.
“Ang uunahin ko, peace and order at bigyan ng solusyon ang droga dito sa Albuera. Linisin namin ang droga dito sa aming lungsod. I-zero tolerance namin ang droga,” ani Espinosa.
“Gusto ko lang sugpuin at para mapatunayan na hindi talaga ako naging drug lord. Naging biktima lang ako sa mga…alam na natin,” dagdag niya.
Inamin ni Espinosa noong 2016 sa isang Senate inquiry na sangkot siya sa illegal drug trade.
Noong 2018, inihayag niya sa kanyang counter-affidavit sa state prosecutors na anumang pahayag na inilahad niya sa Senado ay hindi nagpapatunay na isa siyang drug lord kung wala umanong ebidensya.
Ibinasura ng Baybay, Leyte court noong June 2024 ang drug case na inihain laban sa kanya.
Nahaharap si Espinosa sa kasong money laundering sa Pasay court at dalawang kaso ng illegal possession of dangerous drugs at illegal possession of firearms, na nauna nang ipinag-utos ng Court of Appeals na muling buksan.
Nitong April 10, sugatan si Espinosa sa shooting incident sa isang campaign sortie sa Barangay Tabgas. RNT/SA