Home NATIONWIDE Pagpasok nina Aquino, Pangilinan sa ‘Magic 12’ ikinatuwa ni Hontiveros

Pagpasok nina Aquino, Pangilinan sa ‘Magic 12’ ikinatuwa ni Hontiveros

271
0

MANILA, Philippines- Lubhang ikinagalak ni Senador Risa Hontiveros ang opisyal na pagkakahalal kina dating Senador Bam Aquino at Francis “Kiko” Pangilinan sa May 2025 midterm elections.

Ikinatuwa din ng senadora ang pangunguna ng Akbayan sa House party-list race at Mamamayang Liberal (ML) na pinangunahan naman ni dating senator Leila de Lima bilang lead nominee.

Kapwa silang mauupo bilang kinatawan sa House of Representatives.

Kilala si De Lima bilang vocal critic ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Sinabi ni Hontiveros na mas lumakas ang oposisyon sa 20th Congress partikular sa Senado.

“Lumalakas na ang totoong oposisyon sa Senado at Kongreso, ” ayon kay Hontiveros.

“Hindi ito simpleng ‘comeback.’ Pinapatunayan lamang ng halalang ito na hangad pa rin ng masang Pilipino ang pamahalaang may puso, may prinsipyo, at may tapang manindigan,” giit niya.

“Ang makasaysayang tagumpay ng aking minamahal na Akbayan Partylist ay bunga ng tiwala at pagkilos ng taumbayan,” anang mambabatas.

Pinasalamatan din ni Hontiveros ang solidong supporter ng Akbayan partikular ang kabataan “for staying and carrying the party to every corner of the country.”

“Sa mga bagong mukha na tumaya sa ating pagkilos, salamat sa pagkakataong inyong ibinigay,” ani Hontiveros.

Masayang nasorpresa din si Hontiveros sa boto na galing sa kabataan na walang sawang suporta sa pagbabago para sa kanilang kinabukasan.

“At special shoutout sa ating kabataang botante na nagsilbing game-changer sa eleksyong ito!” pahayag ng senadora.

Aniya, gustong-gusto na nitong makatrabaho sina Aquino at Pangilinan bilang oposisyon sa Senado na magsisilbing malakas na boses sa kapulungan.

“I look forward to once again working with you both for the good of the people,” aniya.

“Kasama sina Senator Kiko at Senator Bam sa Senado, at ang Akbayan Partylist at Mamamayang Liberal (ML) Partylist sa Kongreso, titindig tayong muli nang mas taas-noo, mas matatag, at mas handa sa hamon ng panahon,” giit pa niya.

“At sa milyon-milyong bagong kasama natin sa laban: Maligayang pagdating. Kaya natin ito,” ayon kay Hontiveros. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here