CABAGAN, Isabela – Kalaboso ang sinapit ng tinaguriang No.7 Top Most Wanted Person sa probinsya ng Isabela na nahaharap sa kasong murder sa Barangay Centro, Cabagan, Isabela.
Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Merwin Villanueva, hepe ng Cabagan Police Station kay PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ay nahuli ang akusado na si Benedict Rivera, 42 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Casibarag Norte dito sa nasabing bayan ay naaresto ng pinagsanib na puwersa ng naturang Station, kasama ang Regional Intelligence Unit 2 PIT Isabela East, Provincial Intelligence Unit (PIU), at Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC).
Sa bisa ng Mandamiento De Aresto laban sa akusado sa kasong murder ay walang kaukulang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Dahil dito, pinuri ni PCol. Bauding ang pamunuan ni PMaj. Villanueva sa matagumpay na operasyon sa pagtalima sa pagtugis sa mga nagkasala sa batas para mabigyan ng hustisya ang mga biktima tungo sa mapayapang pamayanan. Rey Velasco