Home HOME BANNER STORY Kiyapo lumakas bilang tropical storm; Signal No. 2 itinaas sa 15 lugar

Kiyapo lumakas bilang tropical storm; Signal No. 2 itinaas sa 15 lugar

1
0

MANILA, Philippines — Lumakas bilang tropical storm ang Kiyapo nitong Biyernes, dahilan upang itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes at ilang bahagi ng Cagayan at Ilocos Norte, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Bandang alas-4 ng umaga, namataan ang Kiyapo sa layong 345 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 65 kph malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 80 kph.

Nakataas ang Signal No. 2 sa Batanes; Babuyan Islands; hilagang bahagi ng mainland Cagayan, kabilang ang Santa Ana, Gonzaga, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Aparri, Ballesteros, Abulug, Pamplona, Sanchez-Mira, Claveria at Santa Praxedes; at Pagudpud sa hilagang Ilocos Norte.

Nananatili naman ang Signal No. 1 sa natitirang bahagi ng mainland Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, natitirang bahagi ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at hilaga at gitnang bahagi ng Aurora na kinabibilangan ng Dilasag, Casiguran, Dinalungan at Dipaculao.

Sinabi ng PAGASA na ang sirkulasyon ng Kiyapo at southwest monsoon o Habagat ay nagdudulot ng malalakas hanggang gale-force na hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin sa Zamboanga del Norte at Davao Oriental.

Nananatili rin ang gale warning sa hilagang seaboard ng Northern Luzon.

Inaasahang daraan ang Kiyapo malapit sa hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan bago lumapit nang husto o mag-landfall sa Babuyan Islands sa Biyernes.

Maaari pang lumakas bilang severe tropical storm ang Kiyapo habang binabagtas ang extreme Northern Luzon matapos dumaan sa Babuyan Islands.

Inaasahan ang malalakas na pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Apayao at Ilocos Norte dahil sa Kiyapo. Magdadala rin ang Habagat ng malalakas na ulan sa Palawan, Occidental Mindoro, Antique, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental at Negros Oriental. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here