Home NATIONWIDE Klase, LGU ops sa Sta. Cruz, Laguna suspendido sa bomb threat

Klase, LGU ops sa Sta. Cruz, Laguna suspendido sa bomb threat

MANILA, Philippines – Sinuspinde ang pasok sa lahat ng antas at operasyon ng lokal na pamahalaan sa Santa Cruz, Laguna ngayong Miyerkules, Hunyo 18, dahil sa umano’y bomb threat na kumalat sa social media.

Inanunsyo ni Mayor Edgar San Luis ang hakbang bilang pag-iingat habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad.

“Ngayong araw, kumakalat ang isang mensahe sa social media ukol sa umano’y bomb threat sa ating bayan. Bilang tugon at pag-iingat, suspendido po ang pasok sa lahat ng antas pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang operasyon ng ating Lokal na Pamahalaan ay pansamantalang ihihinto habang sinisiyasat ito ng ating mga awtoridad,” ani San Luis.

Hinimok din niya ang publiko na huwag basta maniwala sa hindi opisyal na impormasyon upang maiwasan ang takot at kaguluhan.

Kinumpirma ng Laguna Provincial Information Office na patuloy ang inspeksyon sa mga gusali tulad ng munisipyo, kapitolyo, at mga karatig na paaralan. RNT