Home NATIONWIDE Klase sa apat na paaralan sa Bukidnon sinuspinde sa banta ng ‘revenge...

Klase sa apat na paaralan sa Bukidnon sinuspinde sa banta ng ‘revenge killing’

1
0

MANILA, Philippines – Sinuspinde ang klase sa apat na paaralan sa Bukidnon dahil sa umano’y banta ng “Magahat” o retaliatory killing.

Ipinag-utos ni Barangay chairperson Jezrel S. Bacleran ng Barangay Dao, San Fernando, Bukidnon ang suspensyon ng klase sa Dao Integrated School, Kirangel, Tughaanan Te Katalonan, at Kawayan Class Extension bilang pag-iingat sa mga estudyante, guro at mga tauhan ng paaralan sa natanggap na banta sangkot ang mga armadong indibidwal mula sa kalapit na Talaingod, Davao del Norte.

Ani Bacleran, kinakailangan ang suspensyon upang masuri ng mga awtoridad ang sitwasyon at mananatili ito hanggang hindi maidedeklarang ligtas ang lugar.

Isasagawa rin ang koordinasyon sa mga opisyal ng barangay, at tribal leaders.

Samantala, kalaunan ay sinabi ni Maj. Kevin Bangsoy, San Fernando police chief, na walang nakitang sapat na ebidensya kaugnay sa banta ng “Magahat.”

Hinimok naman niya ang mga opisyal ng barangay na agad makipag-ugnayan sa pulisya kung magkaroon ulit ng mga ganitong banta.

Sinabi naman ni Datu Julio Alub, Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ng Barangay Kalagangan at cultural mediator ng lokal na pamahalaan, na agad nilang kinontak si Barangay Dao IPMR Datu Saripa Mampaglas kaugnay sa naturang banta.

Ipinaliwanag ni Alub na ang naresolba na ang pinakahuling insidente sangkot ang love triangle sa tribal community ngunit wala umanong kinalaman ang naturang isyu sa banta ng “Magahat” sa Barangay Dao. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here