Home METRO Klase sa QC public schools awtomatikong suspendido sa 40ºC forecast heat index

Klase sa QC public schools awtomatikong suspendido sa 40ºC forecast heat index

MANILA, Philippines- Idineklara ng Quezon City government nitong Miyerkules na ang mga klase sa mga pampublikong paaralan ay awtomatikong suspendido kapag ang forecast heat index ay umabot sa 40ºC (degrees Celsius).

Ayon sa pamahalaang lungsod, ibabase ng mga pampublikong paaralan ang desisyon sa forecast heat index na inilabas alas-5:30 ng hapon para sa susunod na araw.

Kaugnay nito, batay sa pinakahuling forecast ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council, inaasahan ang peak na 40ºC sa Quezon City sa Huwebes, Abril 4.

“Kapag ang heat index ay umabot ng 40ºC, awtomatikong ipatutupad ang alternatibong delivery modes of learning (synchronous / asynchronous),” ayon sa Quezon government sa abiso.

Noong Miyerkules, sinabi ng Department of Education (DepEd) na halos 4,000 paaralan sa buong bansa ang nagpatupad ng mga alternatibong paraan ng pag-aaral dahil sa mataas na heat index na nararamdaman sa ilang bahagi ng bansa.

Kaugnay nito, may kabuuang 1,393,806 mag-aaral ang naapektuhan ng suspensyon ng mga in-person na klase. Santi Celario

Previous articleAMBULANSYA PARA SA CAVITE
Next articleJapan sapul ng M-6.0 quake