PANGASINAN-HINIHINALANG ginahasa saka pinatay ang isang 20-anyos na college student matapos matagpuan ang bangkay nito na nakalibing sa baywalk sa bayan ng Lingayen.
Kinilala ang biktimang si Evalend Salting, 3rd year college student sa Pangasinan State University at residente ng Brgy. Sablig, Anda, Pangasinan.
Ayon kay Police Lt. Col. Amormio Somine, hepe ng Lingayen-PNP, natagpuan ang bangkay ng biktima na natabunan ng buhangin sa Lingayen Baywalk, Pangasinan.
Batay sa report ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima bandang 7:00PM ng September 23, 2024 sa kuha ng closed circuit television (CCTV) footage nang umalis ito sa tinutuluyang apartment sa Lingayen.
Kwento ng caretaker na si Rea Bacarias, nakikita nilang sinusundo ang biktima ng boypren nito at bumabalik ito sa apartment pagsapit ng 10:00 PM.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen.
Kabilang sa ang nobyo ng biktima sa tatlong inimbitahan ng mga awtoridad para kuhanan ng pahayag.
Hinala ng pulisya posibleng crime of passion ang motibo sa krimen./Mary Anne Sapico