Home METRO Koneksyon ng Bondi Beach shooters sa Davao, iniimbestigahan ng pulisya

Koneksyon ng Bondi Beach shooters sa Davao, iniimbestigahan ng pulisya

262
0

DAVAO CITY, Philippines – Kasulukuyang iniimbestigahan ng mga pulis ang lahat ng taong nakasalamuha ng ama at anak na sangkot sa Bondi Beach shooting sa Sydney, Australia, na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng marami noong Jewish Hanukkah festival.

Ayon kay Police Brig. Gen. Leon Victor Rosete, regional director ng Police Regional Office (PRO) 11, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng impormasyon mula sa Australian counterterrorism experts tungkol sa mga suspek na sina Sajid Akram, 50, at anak niyang si Neveed, 24.

Ginagawa na ng pulis ang backtracking o pagsubaybay sa kanilang galaw habang nanatili sa Davao City.

Kasama sa imbestigasyon ang pagsusuri ng CCTV footage sa lugar, tala ng hotel, travel data, at iba pang intelligence information para malaman ang posibleng koneksyon ng ama at anak dito.

Sinabi ni Rosete na isinasagawa ang backtracking activities sa pakikipag-ugnayan sa AFP, NICA, NBI, at iba pang intelligence units ng militar at pulis.

Kumpirmado na nanatili ang ama at anak ng halos isang buwan sa GV Hotel sa Davao bago ang killing spree sa Bondi Beach na ikinasugat at ikinamatay ng mga bata at iba pa.

Ayon sa isang video message ni Rosete, “Tumuloy ang PRO 11 sa backtracking operations matapos makumpirma ang pananatili ng ama at anak sa hotel, kabilang ang pagsusuri ng CCTV footage, hotel records, travel data, at iba pang intelligence information.”

Sinabi rin niya na iniimbestigahan ng pulis ang kanilang mga aktibidad habang nasa Davao, kabilang ang pagtukoy sa mga taong nakasalamuha nila at pagsusuri sa posibleng links o support networks.

Ayon sa staff ng GV Hotel na si Jenelyn Sayson, bihira lamang lumabas ng hotel ang ama at anak, at ang pinakamahabang pananatili nila sa labas ay isa hanggang dalawang oras.

Pinayuhan ng mga grupo tulad ng Climate Conflict Action Asia (CCAA) ang gobyerno at publiko na maging maingat sa pagbibigay ng konklusyon tungkol sa mga suspek upang hindi lumala ang relihiyoso at identidad na hidwaan.

“Ang maagang konklusyon at haka-haka na walang ebidensya ay maaaring magpalala ng hidwaan at itago ang mas malalim na sanhi ng karahasan at radicalization,” ayon sa CCAA. Idiniin nila na patuloy silang nakatuon sa ebidensya at hindi nagpapalaganap ng takot o maling impormasyon.

Sinabi ni Rosete na nagpapatuloy ang imbestigasyon habang tiniyak sa publiko na nananatiling matatag ang pulis sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here