Home NATIONWIDE Konektadong Pinoy Act magpapamura, magpapabili sa internet sa Pinas

Konektadong Pinoy Act magpapamura, magpapabili sa internet sa Pinas

MANILA, Philippines – NANINIWALA si Navotas City Congressman Toby Tiangco na magiging mabilis at magmumura na ang bayad sa internet sa bansa sa ilalim ng Konektadong Pinoy Act (KPA).

“Hindi uunlad ang ating ekonomiya kung mabagal ang internet sa bansa. This law will not only make connectivity faster, but it will also help level the playing field for businesses across the country,” pahayag ni Cong. Tiangco na siya ring Chairman ng House Information and Communications Technology (ICT).

Ani Tiangco, hindi pagkakaloob ng espesyal na pribilehiyo sa mga bagong kumpanya ang KPA, kundi tinitiyak nito na lahat ng Pilipino, lalo na ang mga nasa liblib na lugar, ay magkakaroon din ng mabilis, maaasahan, at murang internet, bukod sa malulutas din ng batas ang alalahanin sa cybersecurity.

Sinabi pa niya na ang batas na ito ay magdudulot ng malusog na kompetisyon at makakaakit ng pagbabahagi ng imprastraktura, na isa ring hakbang upang bumaba ang babayaran sa internet ng mga consumer.

Sigurado rin aniyang madadagdagan ang mga internet service providers (ISPs) at mararating ang geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs), na sa kasalukuyan ay umaabot sa 7,063 sa buong bansa.

“Ang reklamo ng marami, mahal pero sobrang bagal ng internet
connection lalo na sa mga kanayunan. This law will open the doors to tremendous opportunities, especially as more government services are now being offered online,” sabi ni Tiangco. Jojo Rabulan