Home NATIONWIDE Kongresista sa Senado: Batas para sa early voting ng seniors, PWDs ipasa

Kongresista sa Senado: Batas para sa early voting ng seniors, PWDs ipasa

MANILA, Philippines- Umapela si Senior Citizens party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa Senado na agad ipasa ang panukalang batas na nagsusulong na magkaroon ng “early voting” ang senior citizens at persons with disabilities (PWDs) at masimulan nang maipatupad sa susunod na eleksyon.

Ayon kay Ordanes, sa pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez ay agad na naipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang nasabing panukala subalit hindi naman natutukan sa Senado.

Sinabi ni Ordanes na tuwing eleksyon ay kitang-kita ang hirap ng  seniors at PWDs pagboto kaya kung maisasabatas ang early voting ay malaking kaginhawahan ito.

“The move is essential to help the senior citizens and PWDs amid the long queues in the voting precincts based on past elections, as well as securing them from possible election-related violence in voting precincts” paliwanag ni Ordanes.

Gayundin ay hinimok ng mambabatas ang Senado na maipasa na rin ang universal pension sa lahat ng senior citizens.

Aniya, gaya ng naunang panukala ay naipasa na rin ang universal pension sa Kamara bunga na rin ng pagsusumikap ni Speaker Romualdez.

Sa oras na maisabatas, ang lahat ng seniors na edad 60-anyos pataas ay mabibigyan ng pensyon kahit ano pa ang estado nito sa buhay. Gail Mendoza