Buong-buong suporta ang ibinigay ng Philippine Councillors League (PCL) kay dating Mandaluyong City Mayor at Interior Secretary Benhur Abalos Jr. sa kanyang laban para sa pagka-senador sa darating na halalan.
Sa isang resolusyong inaprubahan nitong Miyerkules, pormal na inendorso ng PCL ang kandidatura ni Abalos matapos ang kanilang National Board Meeting sa World Trade Center, Pasay City. Ipinahayag sa resolusyon ang nagkakaisang suporta ng PCL sa kandidatura ni Abalos sa senado, kung saan binanggit na ang dating DILG Secretary ay “patuloy na nag-iwan ng hindi mapapantayang ambag sa pag-unlad ng bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, itinataguyod ang pambansang kaunlaran at tuloy-tuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong Pilipinas at higit pa.”
Sa naturang resolusyon, ipinakita ang mahabang listahan ng mga tagumpay ni Abalos bilang public servant. Ilan dito ang kanyang serbisyo bilang Mayor ng Mandaluyong City mula 1998 hanggang 2004 at 2007 hanggang 2016, at bilang Congressman ng lungsod mula 2004 hanggang 2007. Pinuri rin ang kanyang mga programa tulad ng Project T.E.A.C.H., na tumutulong sa mga batang may kapansanan, at ang Garden of Life Park, na kinilala ng Gawad Galing Pook Award. Ang Project T.E.A.C.H. ay kinilala rin ng United Nations noong 2015.
“Sa mas malawak na aspeto ng kaunlaran, ang estilo ng pamumuno ni Abalos ay tunay na magiging kapaki-pakinabang sa buong bansa at maglalagay sa mga Pilipino sa unahan ng progreso at pag-unlad sa buong mundo,” ayon sa resolusyon.
Binigyang-diin din ng PCL kung paano naging huwaran si Abalos ng tatak-serbisyo publiko ng Bagong Pilipinas, na nagtataguyod ng kagalingan para sa bawat Pilipino.
Nagpasalamat naman si Abalos sa PCL sa kanilang suporta: “Lubos akong nagpapasalamat sa bawat miyembro ng Philippine Councilors League. Malaking karangalan ang inyong tiwala, at pangako ko, hindi ito masasayang. Gagawin nating inspirasyon ito para patuloy na magsilbi nang tama at tapat tungo sa Bagong Pilipinas.”
Kinilala rin ng PCL ang natatanging liderato ni Abalos, mula sa pagiging Executive Vice President ng Metro Manila Councillors League hanggang sa pagiging Pangulo ng League of Cities of the Philippines at Union of Local Authorities of the Philippines.
Ayon pa sa PCL, dahil sa mahusay na pamumuno ni Abalos bilang DILG Secretary ay nakahui ang ahensya ng high-profile na personalidad tulad nina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at Kingdom of Jesus Christ Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Idinagdag pa nito na ang liderato at serbisyo publiko ni Abalos na sumasalamin sa kanyang sigaw na “Gawa. Hindi Salita.” ay naging susi sa pag-unlad ng Mandaluyong bilang “Tiger City” ng bansa—isang perpektong blueprint para sa pag-unlad ng buong Pilipinas. RNT