Home METRO Konsehal sa MagSur, nakaligtas sa ambush

Konsehal sa MagSur, nakaligtas sa ambush

1
0

COTABATO CITY — Nakaligtas ang isang konsehal ng Rajah Buayan, Maguindanao del Sur matapos pagbabarilin ng isang armadong lalaki ang kanyang sasakyan sa Lambayong, Sultan Kudarat noong Lunes ng umaga, Agosto 17.

Kinilala ang opisyal na si Bin-Nazriff Buayan Utto Silongan, 40, miyembro ng Sangguniang Bayan ng Rajah Buayan.

Ayon sa pulisya, binabagtas ni Silongan at ng kanyang kasama ang national highway sa Barangay Tinumigues nang paputukan ng isang lalaking nasa gilid ng kalsada ang kanilang pickup truck.

Tatlong tama ng bala ang tinamo ng sasakyan ngunit hindi nasugatan si Silongan at ang kanyang kasama.

Sinabi ni Silongan sa isang pahayag na napansin niya ang lalaki sa gilid ng kalsada bago umano nitong biglang paputukan ang kanilang sasakyan gamit ang isang assault rifle.

Hindi na huminto ang konsehal at nagtuloy patungong Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur, kung saan iniulat nila sa pulisya ang insidente.

Sinabi rin ni Silongan na wala siyang alam na kaaway o taong may alitan sa kanya.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang Lambayong Municipal Police Station habang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Maguindanao del Sur upang matukoy at maaresto ang gunman.

Patuloy ding inaalam ng pulisya ang motibo sa pamamaril at kung may iba pang sangkot sa insidente. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here