DATU SALIBO, Maguindanao del Sur – Arestado ang isang konsehal ng bayan sa ikinasang joint operation noong Oktubre 11 kaugnay ng pagpatay sa dalawang opisyal ng barangay noong 2023.
Kinilala ng PNP–Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang suspek bilang si “Allan,” 44, konsehal ng Datu Salibo, na inaresto sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte sa Shariff Aguak.
Si “Allan” at 21 pang kasabwat ay inakusahan ng pagsabog na tumarget sa mga opisyal ng barangay noong Agosto 16, 2023, kung saan nasawi sina Barangay Penditen Chairperson Jun “Datumanot” Silongan at Councilman Salik Katua.
Ayon sa CIDG, naglalakad noon ang mga opisyal sa isang bukirin sa Sitio Patawali, Barangay Ganta, Shariff Saydona, nang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) na ikinamatay ni Kapitan Silongan at ikinasugat ng iba pa. Si Katua ay kalaunan ding binawian ng buhay dahil sa mga tinamong sugat.
Itinuturing si “Allan” bilang ikalimang most wanted sa Bangsamoro Region para sa dalawang kasong murder, at walang piyansa ang inirekomenda laban sa kanya. /Mary Anne Sapico