MANILA, Philippines – Nasawi ang isang konsehal ng bayan ng Marihatag, Surigao del Sur matapos pagsasaksakin nitong Sabado ng umaga, Disyembre 6.
Ayon sa pulisya, kinilala ang nasawi na si Marihatag councilor Gerry Sales Campos, na isa ring radio anchor.
Kabababa lamang nito ng sasakyan sa isang gas station sa Barangay Poblacion bandang alas-7 ng umaga nang saksakin ng suspek na kinilalang si Sandy Constantin Rivas ang biktima ng ilang beses partikular sa bandang tiyan.
Agad na tumakas si Rivas subalit naiwan nito ang pares ng kanyang tsinelas, habang si Campos naman ay nakahandusay sa kalsada.
Rumesponde ang mga tauhan ng municipal disaster risk reduction and management office at isinugod ang biktima sa Marihatag District Hospital, ngunit idineklarang patay.
Napasakamay naman ng mga awtoridad si Rivas matapos ang hot pursuit operation.
Kasalukuyan nang naka-detain ang suspek sa Marihatag police station habang hinihintay ang pagsasampa ng kasong murder. RNT/JGC