Home NATIONWIDE Konstruksyon ng 123 fire stations, karagdagang fire trucks pinapapaspasan ni Abalos

Konstruksyon ng 123 fire stations, karagdagang fire trucks pinapapaspasan ni Abalos

Larawan kuha ni Danny Querubin

MANILA, Philippines- Pinamamadali ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. ang pagpapatayo ng 123 fire station sa mga munisipidad na wala pang fire station sa bansa ngayong pumasok na ang fire prevention month.

Ayon kay Abalos, bukod sa fire station, sinabi din nito ang planong pagdaragdag ng fire truck sa mga fire station partikular na sa mga municipalidad ng mga lalawigan.

Sa press briefing kasama si Bureau of Fire Protection Director Louie Puracan at iba pang opisyal ng BFP, sinabi ni Abalos na mula nang maupo siya sa pwesto, ang kulang na fire trucks ay nasa 240. Gayunman, nagawa na nilang pababain ang bilang na ito hanggang sa 100 na lamang.

Subalit, sinabi niyang mayroon ding 123 mas malalayong lokalidad na wala pa ring istasyon ng bumbero.

“Kaya kami nakikipag-usap sa mga local executives dito sa lugar na ito na mag-donate o kahit na ipahiram sa amin ang isang lupa para kami ay mapatayo o mabigyan ng fire station. Ilan sa kanila ay nabigyan na ng fire truck na pinaparada nila kahit saan,” ani Abalos.

Para sa pondo, sinabi ni Abalos na ang taunang P1 bilyong inilalaan para sa modernisasyon ng BFP ay hindi sapat upang maabot ang agwat at nakumbinsi niya sina Department of Budget Management Secretary Amenah Pangandaman at House of Representatives Speaker Martin Romuladez na magdagdag ng higit pa para makakuha sila ng mga kinakailangang kagamitan at ari-arian.

Sa kabilang banda, sinabi ni Puracan na nagre-remit sila ng average na P3.5 bilyon kada taon sa pambansang kaban mula sa mga bayarin at permit na kanilang inilabas. Ito aniya ay maaaring makatulong sa pagbabayad ng halagang kailangan nila upang matugunan ang puwang na binanggit ng Kalihim.

Kaugnay nito, sinabi ni Puracan na ang isang istasyon ng bumbero ay mangangailangan ng hindi bababa sa 400 metro kuwadrado at maaaring nagkakahalaga ng P10 milyon sa pagpapatayo.

Samantala, ang mga fire truck ay mayroon lamang 25,000 gallons sa kanilang procurement program. Ngunit sa mga munisipyo, sapat na ang fire truck na may kapasidad na 500-1,000 gallons upang tumugon sa anumang insidente ng sunog.

Ang kailangan nila sa ngayon ay isang helicopter na maaaring magbuhos ng suppressant sa wild fires na lumalamon sa mga bansang kagubatan. Santi Celario

Previous articlePH Navy: Sitwasyon sa WPS ‘di na normal sa agresyon ng Tsina
Next articleSocial protection package pinaplantsa na ng Pinas,  Australia