MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. na maglalaan ng sapat na pondo para sa mga programa ng National Irrigation Administration, partikular sa konstruksyon ng malalaking dam.
Sa pulong kasama ang NIA officials sa Malacañang Palace nitong Miyerkules, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagtatayo ng malalaking dam, hindi lamang para sa irigasyon kundi sa iba pang layunin.
“The big dams. We need to have that,” pahayag ni Marcos, tinutukoy ang NIA funding sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
“The P22 billion, that’s in the GAA, P22.882 [billion], that’s in the GAA. Palagay ko mayroon pa tayong savings diyan,” dagdag ng Pangulo.
Sinabi ng Presidential Communications Office na ang P22 bilyon ay congressional insertion na bahagi ng 2025 GAA.
Ayon pa sa PCO, sa ilalim ng 2025 programs, activities, at projects ng NIA, naglaan ang ahensya ng P20.84 bilyon para sa Pump Irrigation Sub-Program at P7.88 bilyon para sa Stage 2 ng Ilocos Norte – Ilocos Sub-Abra Irrigation Project (INISAIP).
”The PAPs will incorporate technological interventions and modernization of irrigation systems to mitigate the effects of climate change,” giit ni NIA Administrator Eduardo Guillen. RNT/SA