MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa kontaminasyon dala ng matinding pagbaha sa mga apektado ng bagyong Crising at habagat.
Paalala ng DOH, panatilihing ligtas ang inuming tubig lalo na ngayong maulan.
Ayon sa ahensya, posibleng makontamina ang inuming tubig mula sa mga nasirang water at sewage pipes na nalubog sa baha.
Tiyaking ligtas ang iniinom na tubig sa bahay man o sa evacuation center upang makaiwas sa sakit tulad ng cholera, diarrhea at leptospirosis.
Ayon sa DOH Health Emergency Alert Reporting System, umabot sa 28,114 ang bilang ng mga evacuees sa 370 evacuation centers sa mga rehiyon ng NCR, I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, XII, Caraga, at CAR dahil sa bagyong Crising at habagat.
Nakahanda naman ang mga chlorine tablets bilang isa sa mga emergency commodities ng DOH para may malinis na inuming tubig ang mga lumikas sa mga binahang lugar.
Payo ng DOH sa publiko, maaari ding pakuluan ang tubig sa loob ng 2 minuto bago inumin, bukod sa paggamit ng chlorine tablets.