Home OPINION KONTI NA LANG, DELIKADO PA RIN

KONTI NA LANG, DELIKADO PA RIN

INIHAYAG ni Armed Forces of the Philippines chief Gen. Romeo Brawner Jr. noong nakaraang Lunes na ang lahat ng military ground commanders ay inaatasang ibigay ang makakaya sa paglipol ng natitirang kokonti  nang miyembro ng guerilla fronts ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.

Ngunit sinabi rin ni Brawner na kahit lubusang  mabawasan ang pwersa at mga guerilla front ng CPP-NPA sa anomang bahagi ng bansa, ‘di dapat maging kampante ang militar bagkus ay maging masigasig pa nga dahil delikado pa rin ang nalalabing pwersa ng mga rebeldeng nabanggit.

Dapat, aniya, na mapigilan ng ating mga military commander na magsama-sama ang mga kakarampot na bilang ng mga NPA fighters upang ‘di na makapaminsala ang mga ito.

Ito ay sa kabila nang nakatutok na rin ang ating Hukbong Sandatahan sa pagdepensa at pagbabantay ng ating mga teritoryo partikular ang nasa bahagi ng West Philippine Sea.

Mas maganda nga naman kung magapi na nang todo-todo ang pwersa ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA para lalong makapag-focus tayo sa pagtatanggol ng ating mga teritoryo sa karagatan na halos inaagaw na sa atin.

Sa pag-uulat ni Brawner, ang natitirang labing-isang (11) guerilla fronts ng NPA ay mahihina na rin. At para lalong mapagtagumpayan ang kanilang pagsuko,   bigyan pa natin ng matinding military pressure o kaya’y mga kaaya-ayang kapalit sa kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan.

Ang diskarte na nga lang daw ng mga ito ay makahanap ng paraan para makapag-sama-samang muli upang makapanggulo na naman. Pero kung patuloy natin silang tutugisin, ‘di magagawa nitong makapag-buo muli ng malakas na pwersa upang makapameste pang uli sa ating mga mahihirap na kababayan sa mga kanayunan, gaya nang dati nilang ginagawa.

Tiwala naman ako sa mga tropa ng ating pamahalaan. ‘Di na nila tatantanan mga NPA, dahil mismong mga kababayan na natin na dati nilang pinagsamantalahan ay ayaw na sa kanila at katuwang na ng militar sa pagngunguso kung nasaan ang mga nalalabing miyembro ng NPA.

Kumpiyansa pa nga ako, sa mga darating na mga araw, na ang mga kokonting  miyembro ng NPA ay susuko na rin dahil sa nakikitang kalagayan ng kanilang mga comrade na nagsisuko na.

Previous article‘MARINE ONE’ PUSPUSAN SA PAG-AALOK NG ‘LAMAN’
Next articleLARO SA SENADO