Home OPINION LARO SA SENADO

LARO SA SENADO

SA pambihirang pagkakataon, naglabas kamakailan lang ng manifesto ang Senado  na pirmado nilang lahat na 24 miyembro.   Ang nilalaman ng manifesto ay ang malinaw na posisyon nila na pigilan ang people’s initiative o PI na isinusulong baguhin ang Saligang Batas ng Pilipinas.

Kakaiba ang ganitong gawi kasi halos hindi mo naman aasahan na lahat ng senador ay magkakaisa.   Tawag nga sa bawat senador ay independent na pulitiko at may kanya-kanyang mga republika.  O kaya’y  bawat isa ay pontensyal na kandidato bilang susunod na Pangulo ng Pilipinas.

Bakit nga ba sila biglang nagkaroon ng pagkakaisa na labanan ang PI? Bakit ayaw nilang sumayaw sa Charter change?

Simple lang. Kasi ‘pag itinuloy ang Cha-Cha sa pamamagitan ng PI, panukala na gawing Constituent Assembly ang Kamara de Representates at ang Senado, para talakayin at amendyahan ang Konstitusyon.  Magsasama ang mahigit 300  miyembro ng Kongreso at ang 24 na Senador at boboto sila nang sama-sama.

Kapag natuloy ang PI, walang kalaban-laban ang 24 na senador sa “tsunami” ng boto ng 300 Congressman at Congresswoman.   Para mo na ring nilusaw ang Senado!   Tinanggalan sila ng boses!  Binawian ng lakas!   Kinapon, kumbaga.

Kaya ang paglalabas ng manifesto ay senyales ng kapangyarihan ng Senado at ang pagpirma ng lahat ng senador ay palabas na sila ay kumbinsidong-kumbinsido na mali ang PI.

Papalapit na tayo sa isang politikal na krisis na direktang tunggalian ng Kongreso at Senado dahil sa Cha-Cha.   Sa akin lang naman, mabuti na ring lantaran ang interes ng mga pulitiko para makita ng taumbayan kung makabubuti nga o hindi ang pag-amyenda sa Konstitutsyon.   Dapat ngang pagdebatehan nang husto.

Hindi ako sigurado kung nakabuting  pinagitnaan ni Pangulong Bongbong Marcos at kinausap ang mga lider ng Mababang Kapulungan at ng Senado.  Ang kompromiso kasi, ititigil ang PI pero isusulong na ang Resolution of Both Houses No. 6, kung saan tatalakayin ang pagbabago ng mga economic provisions sa Saligang Batas.

Suspetsa ko, idi-dribble ng Senado ang resolusyong ito at hindi na matutuloy ang Cha-Cha.

Previous articleKONTI NA LANG, DELIKADO PA RIN
Next articleWALANG OPOSISYON O ADMINISTRASYON SA CHA-CHA, PANININDIGAN LANG