Home OPINION WALANG OPOSISYON O ADMINISTRASYON SA CHA-CHA, PANININDIGAN LANG

WALANG OPOSISYON O ADMINISTRASYON SA CHA-CHA, PANININDIGAN LANG

MARAMI ang nagulat nang lumutang si dating Executive Secretary Vic Rodriguez sa Davao para dumalo sa “Hakbang ng Maisug”. Klaro ang paninindigan ni dating ES Vic. “I’m here as a Filipino exercising my right to speak freely and oppose any attempt to amend or revise the fundamental law through unconstitutional means”.

Hindi niya sinabi na “As an opposition”. Sa usaping Charter Change, hindi dapat manalig ang kampihan sa politika. Maaring maka-Bongbong Marcos ka pero kung hindi ka sang-ayon sa pag-amyenda ng Konstitusyon ay hindi ibig sabihin oposisyon ka na.

Kung anti-BBM ka naman pero naniniwala ka na dapat baguhin ang Konstitusyon ay ‘di ibig sabihin na bumalimbing ka na.  Iba ang usapan pag Saligang Batas na ang tinatalakay.

Ano ba ang nais baguhin sa Konstitusyon? Ang ‘Economic Provisions’ daw para maakit ang mga dayuhan na mag-invest sa bansa.

Ayon sa Konstitusyon : The State shall develop a SELF – RELIANT AND INDEPENDENT NATIONAL ECONOMY EFFECTIVELY CONTROLLED BY FILIPINOS (Article II Sec. 19)

Ang isinusulong ba na amendments ay para ma-develop ang isang self-reliant and independent national economy effectively controlled by Filipinos?

Gusto nila baguhin ang probisyon ng nationality requirement sa ownership sa ilang protected industries. Ano ‘yun?

THE OPERATION AND MANAGEMENT OF PUBLIC UTILITIES IS RESERVED FOR PHILIPPINE NATIONALS AND AT LEAST 60% OF THE EQUITY SHOULD BE OWNED BY FILIPINO CITIZENS.

Ito daw ang hadlang sa pagpasok ng foreign investments. Pero klaro naman na “operation and management” of PUBLIC UTILITIES lang ang may 60/40 requirement at hindi lahat ng negosyo o industriya. At pwede pa rin pumasok ang dayuhan basta hanggang 40%.  Di pa ba sapat yun?

Ano ba ang mga public utilities. Sa isang kontrobersyal na batas ay binago and depinisyon ng public utilities at na limita lang sa mga sumusunod: Republic Act 11659 – Public Utility shall apply to persons or entities that operate, manage or control the following:

  1. a)  distribution of electricity
  2. b)  transmission of electricity
  3. c)  petroleum and petroleum products pipeline transmission system
  4. d)  water and wastewater pipeline systems
  5. e)  seaports at
  6. f)  public utility vehicles

Ang mga communications, broadcast at iba pa ay hindi na tinatawag na public utilities.

Ito ba ang nais na baguhin na economic provisions? Tanggalin ang 60/40 nationality requirement sa mga industriyang ito?

Noon bang nagkaroon ng signature campaign para sa people’s initiative ay napaliwanag ito?

Payag ba tayo na pwedeng pagmamay-ari ng dayuhan 100% ang kuryente, tubig, seaport at public utilities. Kung makokontrol ng dayuhan ang mga ito pati na ang communications, broadcast at iba pa, parang nasakop na rin tayo ng hindi man lang nagpapaputok kahit isang bala sa dayuhan!

Pero, masama ba na mga dayuhan mag-operate nito kung gaganda naman ang serbisyo?

Marahil ay tingnan muna natin kung naging maayos at nakinabang ang mga Pilipino noong naamendahan ang Public Service Act ng R.A. 11659.

Kung ekonomiya ang talagang pakay ng Charter change, hindi ba maaring tingnan ang mga umiiral na batas at ito ang amyendahan at hindi ang Konstitusyon tulad ng ginawa sa Public Service Act?

Umaasa tayo na pag iisipan mabuti ng ating mga mambabatas ang usapin ng Cha-Cha.

Paninindigan ang pairalin at hindi ang pakinabang ng ilan sa politika.