Home OPINION BIGAS, PETROLYO USOK NG PROBLEMA

BIGAS, PETROLYO USOK NG PROBLEMA

SA darating na Martes, P2.80 kada litro ng gasolina at P1.30 kada litro ng diesel ang inaasahang itataas ng presyo ng mga ito.

At dahil ikinakarga at ibinibiyahe ang mga bigas ng mga sasakyang umaandar at tumatakbo sa bisa ng mga produktong petrolyo patungo sa iba’t ibang bayan, lalawigan, palengke at iba pa, pati bigas lalong magmamahal.

Kasamang tumataas ang presyo iba pang mga kalakal na ibinibiyahe rin.

Binabawi ng mga may sasakyan at negosyante ang kanilang malalaking gastos sa mga produktong petrolyo sa pagtataas nila ng singilin sa mga kargadang kanilang ibinibiyahe at ibinebenta.

Paikot-ikot lagi na nagaganap iyan.

ARAY NANG ARAY

Kung umaaray ang mga negosyante, biyahero at magbibigas sa palo sa kanila ng matataas na presyo ng mga produktong petrolyo, lalong umaaray ang mga mamamayan na roon nila dinudutdot ang pambawi nila sa gastos.

Alalahaning hindi naman lumalaki ang sahod ng mga manggagawa na kailangang bumili ng bigas at iba pa nilang pangangailangan sa araw-araw.

Milyon-milyon ang bilang ng mga ito na biktima ng matataas na presyo ng mga bilihin.

Siyempre pa, milyon-milyon ding magsasaka na mahihirap ang biktima rin ng matataas na presyo ng mga bilihin.

Tatandaan, mga Bro, na napakaraming magsasaka ang nagiging magsasako na lang at kinailangan nilang bumili, maging ng bigas para sila mabuhay.

Ipinambabayad nila ang kanilang kita sa mga benta nilang palay at bigas sa kanilang mga utang para sa napakamamahal na petrolyo na gamit sa kanilang mga traktora, abono, pestisidyo at iba pa.

Walang sinisino ang mahal na presyo at maging ang mga propesyunal umaaray rin gaya ng mga titser at nag-oopisina maging sa mga tanggapan ng gobyerno.

ANG MGA SAGOT?

Mga pambansang problema ang nababanggit nating presyo ng mga produktong petroyo, bigas at iba pang mga kalakal at serbisyo.

At pangunahing biktima ang higit na nakararaming mamamayan.

Ano-ano ang mga sagot ng mga opisyal ng ating gobyerno sa mga problemang ito?

Aahhh, ‘yang mag-away-away, sabay gastos sa mga pondong bayan ang ating mga natutunghayan.

Alangang ang sarili nilang mga salapi sa bulsa ang kanilang ginagastos, halimbawa, sa People’s Initiative na lumilikha ng matitinding away.

Lumalabas na sa halip na makatulong, lumilitaw sila tuloy na perwisyo sa higit na nakararami.

Lalo na kung isipin na hindi naman pangunahing para sa taumbayan ang kanilang pinag-aawayan kundi ang kanilang pagkapit at pang-aabuso sa kapangyarihan, pagpapayaman sa pwesto at iba pa.

KAKAUNTING MATINO

Paano ba pupwedeng sukatin ang mga matitino at hindi matinong opisyal ng gobyerno?

Maraming paraan, mga Bro.

Pero kung totoo ang sinasabi ni Senate President Migz Zubiri na 44 lang na distrito ang hindi sumali sa People’s Initiative na kinakikitaan ng malalaking halaga, milyones, para lang mapapirma ang mga tao, aba, may ibig sabihin niyan.

Halimbawang may 253 distrito at 44 lang ang hindi sumali, may makapagsasabi na may mga milagro sa pera at kasali ang marami sa milagruhan na ‘yan.

Ang masama ay kung galing sa kaban ng bayan ang mga mamilagro na gastos sa PI.

Ibig sabihin din na mas mahalaga ang PI kaysa laban sa mataas na presyo ng mga bilihin na siyang napakalaking problema ngayon ng higit na nakararami.

Anak ng….!!!