Home OPINION BAGSAK ANG COMELEC

BAGSAK ANG COMELEC

133
0

NAGULAT naman ako sa nabasa kong pahayag ni Commission on Elections Chairperson George Garcia. Ang tugon niya kasi sa tanong kung paano nakalusot ang kandidatura ni Mayor Alice Leal Guo ng Bamban, Tarlac gayong malabo pala ang citizenship nito bilang Pilipino ay “wala naman nagpetisyon para i-disqualify siya.”

Pero mas nakakagulat ang sumunod na pahayag ni Chair Garcia nang tanungin naman siya kung hindi ba nila naisip na berepikahin ang katauhan ng kandidatong si Alice Leal Guo, dahil mukha naman sumulpot lang bigla ang pangalan n’ya. Ang sagot ni Garcia ay “walang kakayahan ang COMELEC na magberipika ng mga naka-attach na dokumento sa kanilang certificate of candidacy”.

Ganon lang ba ka-simple yon?

Sa pag-uungkat ni Sen. Risa Hontiveros at Sen. Sherwin Gatchalian, lumalabas na hindi kilala ng mga taga-Bamban ang kandidatong si Alice Leal Guo, kahit na nga ba ilang buwan na lang at eleksyon na noong Mayo 2022. Wala rin siyang record ng kapanganakan at late registration siya sa Civil Registry ng labimpitong taon. Parang ang hirap paniwalaan na hindi ito agad inayos ng kanyang mga magulang.

Wala rin siyang record ng pag-aaral dito sa Pilipinas pero hindi na n’ya maalala ang buong pangalan ng nagpa-homeschool sa kanya. Itinanggi rin n’ya na siya ang may-ari at nakikinabang sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO na katabi ng bahay-pamahalaan.

Nakakadidismaya ang mga sagot ng COMELEC sa gitna nang lumalaki at nagiging komplikadong isyu ni Mayor Guo. Pilipino ba siya o hindi? Karapat-dapat ba siyang maging alkalde? Kaninong interes ang nangibabaw sa kanyang paninilbihan?

Lalo akong kumbinsido ngayon na kailangan na ngang repasuhin ang mga batas natin tungkol sa eleksyon at sa pamamahala ng COMELEC. Hindi pwedeng rason na palaging “ministerial” o kailangan gawin ng COMELEC ang mga teknikal na gawain. Mas mahalaga na isabuhay at isulong ng COMELEC ang buo at matibay na intgeridad ng eleksyon at ang mabuting katauhan ng mga kandidato na tumatakbo sa halalan.

Sa isyu na ito ni Mayor Alice Leal Guo, bagsak ang grado ng COMELEC para akin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here