Home OPINION FINALS, GRADUATION DAY AT KINABUKASAN

FINALS, GRADUATION DAY AT KINABUKASAN

DALAWANG linggong final examinations ang hinaharap ng lahat ng estudyante sa buong bansa.

Mula elementarya hanggang kolehiyo at post graduate ‘yan.

At susunod na riyan ang moving up at graduation sa mga nasa high school at graduation din sa mga nasa kolehiyo at post graduate.

SA PRIVATE SCHOOLS

Mahal ang final examinations at graduation sa mga nasa private school, mula kinder hanggang kolehiyo at post graduate.

Kapag hulugan, ramdam at mabigat sa ordinaryong pamilya, maging sa mga pamilyang overseas Filipino worker, ang pagsasama ng bayarin sa final exams at graduation fee.

May mga private school naman na medyo may konsensya pero pinakamarami ang nagpapabayad ng bawat hakbang o bagay sa buhay estudyante.

Para malinaw, may bayad lahat sa graduation.

Bawal ang magdala ng sariling kamera at mahal ang exclusive photographer, mahal ang toga, mahal ang bayad sa guest speaker at ibang bisita, mahal ang pamisa sa pari, mahal ang pagkain at iba pa.

Mahal na ang tuition fee, libro, laboratory at miscellaneous fees, dagdag pa ang mahal na graduation.

Katwiran naman ng iba, minsan lang namang maganap ito, kaya sige na lang.

Minsan sa kinder, minsan sa high school, sa senior high, sa kolehiyo at iba pa.

Gaano karami ang minsan?

SA PUBLIC SCHOOLS

Karaniwang sa elementarya at high school nagaganap ang mga libreng papiktyur, patoga, pa-venue at iba pa.

Pero sa mayayamang local government unit lang nagaganap ito gaya sa Marikina City.

Sabi ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro, huwang nang alalahanin ng mga estudyante at magulang ang papiktyur at patoga dahil babalikatin na ang mga ito ng pamahalaang Marikina.

 Ah, eh, salamat pala sa hulog ng langit na biyaya mula sa LGU Marikina.

May maririnig din ba tayo mula sa ibang mga LGU tulad nito?

Katwiran ng maraming lokal na opisyal, halimbawa, sa Metro Manila, may palibre na sa school bag at ilang kagamitan kapag pasukan, pati ba naman sa graduation, eh, may palibre pa?

Pero bahala silang tumulad kina Mayor Marcy.

Pero sa kolehiyo, halos wala ring libre ngunit may mura naman kumpara sa mga pribadong eskwela.

Walang libre sa toga, piktyur, salo-salo, guest speaker, ibang bisita at venue kung sa labas ng eskwela gaganapin.

ANONG MERON PAGKATAPOS?

Akala ba ninyo, tapos na ang lahat, mga Bro?

Noong panahon ni Pangulong Digong Duterte, ang birth certificate, dapat isang kopya lang at Xerox na lang ang ipakikita sa iba, kahit sa aplikasyon sa trabaho.

Pero pagdating mo sa aplikasyon sa trabaho, sa gobyerno man o pribado, karaniwang pawang original pa rin ang nais makita ng mga employer.

At katakot-takot na clearance din ang kailangan na pawang mga orihinal pa rin ang kailangang isumite.

Ang birth certificate, mga Bro, P300 sa Philippine Statistics Authority at hindi rin nalalayo rito ang mga clearance mula sa PNP, NBI, Office of the Ombudsman, Court at iba pa.

Libo pa rin ang gastos dito, lalo na kung mag-aplay ka sa iba’t ibang kompanya o sangay ng pamahalaan.

At tiyak bang magkakatrabaho ang aplikante o mapabilang sa milyones na tambay?