MANILA, Philippines – Pumalo sa 806 ang natanggap na reklamo ng vote buying ng Kontra Bigay Committee ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa midterm elections.
Sa kumpirmasyon ni Kontra Bigay Committee Commissioner-in-Charge Ernesto Maceda, kahit natapos na ang election ay patuloy pa rin ang pagdating ng mga reklamo ng vote buying na natatanggap ng komite.
Dahil ang mga ito ay insidente na kailangang aksyunan, tiniyak ng Comelec na hindi nila isasantabi ang mga kaso.
Ayon sa Comelec, ang mga naisyuhan ng show cause order ay umabot na rin sa mahigit 200.
Binigyang-diin ng Comelec na maaari pa ring matanggal sa puwesto ang isang kandidato kahit na siya ay naiproklama na, basta’t may desisyon na sa kanyang disqualification case.
Posible rin namang sampahan ng election offense ang mga kandidato kung naisampa ang reklamo kahit natapos na ang eleksyon.
Una nang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na talamak ang vote buying noong bisperas ng halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden