Home NATIONWIDE Roque hinimok, katotohanan sa umano’y land grabbing incident ipaalam sa publiko

Roque hinimok, katotohanan sa umano’y land grabbing incident ipaalam sa publiko

MANILA, Philippines – DAPAT malaman ng taumbayan ang detalye at katotohanan ukol sa akusasyon ng 77 magsasaka patungkol sa umano’y land grabbing na ginawa ni presidential spokesperson Harry Roque.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na dapat na magsalita rin si Roque ukol sa ulat na mayroon din na pending case laban sa kanya para sa umano’y land grabbing sa Bataan. Ito ay nakabinbin sa Ombudsman simula pa noong 2023.

Sa ulat, may 77 magsasaka mula sa Bataan ang nagsampa ng mga kaso ng katiwalian laban kay Harry Roque sa Ombudsman noong 2023.

Sa katunayan, sinimulan ng mga magsasaka ang isang class action lawsuit noong Enero 23, 2023, na inakusahan si Roque, ang kanyang asawang si Myla, at iba pang mga indibidwal ng “serious misconduct, dishonesty, forgery, and falsification of public documents.”

Para sa mga magsasaka, labag sa batas na pinalayas sila mula sa kanilang 421-ektaryang lupang sakahan matapos matuklasan noong 2020 na pineke ang kanilang mga titulo ng lupa at inilipat sa First Bataan Mariveles Holdings Corp. (FBMH).

Ang FBMH ay isang joint venture sa pagitan ng Green Miles Realty Corp. at Biancham Holdings Corp., na itinatag ng mga Roque upang bumuo ng P1.5 bilyong proyekto na nauugnay sa isang POGO township sa Mariveles.

Ang proyektong ito ay inaasahang bubuo ng humigit-kumulang P25 bilyon sa loob ng limang taon, ngunit ito’y naudlot nang ipagbawal ang POGO noong nakaraang taon.

Sinasabi ni Roque sa kanyang pang-araw-araw na pag-update sa social media at sa kanyang kampanya sa eleksyon sa party list na nababahala siya sa mga interes ng mga magsasaka.

Ang mga magsasaka ay kasalukuyang mga iskwater sa isang malapit na beachfront property at pinaaalis na mula noong huling bahagi ng nakaraang taon.

Samantala, sa ulat pa rin, isang petisyon na humihimok sa Dutch immigration office, na kilala bilang IND na ikonsidera ang mga mahahalagang impormasyon na sumasalungat sa ipinangangalandakan ni Roque na biktima siya ng political persecution kaya siya humihiling ng political asylum sa Netherlands, ay inilunsad noong Marso 21 at sa ngayon ay nakakolekta na ng 28,000 beripikadong lagda. Kris Jose