Home NATIONWIDE Kontrata ng isang Security Agency tinuldukan sa pambubugbog ng menor sa Pasig...

Kontrata ng isang Security Agency tinuldukan sa pambubugbog ng menor sa Pasig River Esplanade

190
0
Courtesy of MPIO

MANILA, Philippines – NAKAHANDA nang tuldukan ng Intramuros Administration (IA) ang isang security agency matapos madawit ang dalawang guwardiya nito sa pambubugbog sa isang menor de edad sa Pasig River Esplanade sa Intramuros.

Ayon kay IA chief Atty. Joan Padilla, sinimulan na ng kanilang tanggapan ang proseso para wakasan ang kontrata ng JSL Security Agency kasunod ng pagkakaaresto sa dalawang guwardiya na sangkot sa insidente.

Nauna rito, ipinag-utos ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang masusing imbestigasyon laban sa mga guwardiya.

Binigyang-diin ng alkalde na walang awtoridad ang mga pribadong security personnel na magpatupad ng batas sa mga lansangan at pampublikong lugar dahil sakop ito ng Philippine National Police (PNP).

Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-9:05 ng gabi noong Linggo, Pebrero 8. Nagtamo ng pisikal na pinsala ang 17-anyos na biktima matapos umano itong saktan ng mga guwardiya.

Agad namang inaresto ng Tourist Police at Intramuros Police Community Precinct ang dalawang suspek. Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sa ginanap na directional meeting ng pamahalaang lungsod nitong Pebrero 9, mariing kinondena ni Domagoso ang insidente at iginiit na hindi dapat palampasin ang pang-aabuso.

“Gusto ko ng full-scale investigation sa pang-aabuso ng mga guwardiya. Uulitin ko, ang trabaho ng guwardiya ay bantayan ang ari-arian, hindi ang magpulis sa lansangan,” giit ng alkalde.

Dagdag pa niya, tanging ang PNP lamang ang may kapangyarihang magpatupad ng kaayusan sa mga kalye, eskinita, at iba pang pampublikong lugar. Babala niya, posibleng magdulot ng kaguluhan kung pababayaan ang ganitong uri ng insidente.

“Even if you go to the PNP when they get their license, they are not allowed to police the streets. Streets, alleys, boulevards, or any public places are under the PNP for the peace and order situation. ‘Yun ang direktiba nila. Hindi natin pwedeng payagan ‘yung mga guwardiya na ganyan. If this is not punished, not attended to, then there will be chaos in our streets,” giit ni Yorme Isko.

Matatandaan na nag-viral sa social media ang isang video kung saan makikitang inaawat ng ilang tao ang dalawang guwardiya at isang binatilyo ngunit sa kabila nito ay pinagtulungan pa din ng dalawa na gulpihin ang menor de edad na lalaki. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here