MISTULANG normal na sa mga Pilipino ang pag-alboroto ng ilan sa mga aktibong bulkan tulad ng Mount Mayon sa Albay, Mount Taal sa Batangas, at Mount Kanlaon sa Negros Island. Kamakailan lamang ay nagkaroon ng moderate explosive eruption ang Mt Kanlaon. Nagbuga ito ng abong humigit-kumulang 2,000 metro ang taas. Nagdulot din ito ng ashfall sa mga karatig bayan habang nananatili sa Alert Level 2 monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na nangangahulugang mataas ang pag-aalboroto nito at posibleng may kasunod pang pagsabog.
Dahil dito kinakailangang pagtagumpayan ng local at nasyunal na emergency responders ang ibayong pagsisikap upang masigurong walang buhay na malalagas kung sakali mang umakyat ang panganib sa extreme level.
Mas kinakailangan ang consistent na kooperasyon ng komunidad sa pagtalima sa protocols. Kailangang maintindihan ng bawat Pilipino na mas importante ang ating buhay kaysa kabuhayang iiwanan.
Dagdag pa rito ang pang-unawa sa malinaw at praktikal na pagtalima sa emergency plan. Hindi ito option kundi obligasyon ng bawat komunidad at pamilya. Una, mahalaga ang pre-disaster planning. Dapat alam ng bawat miyembro ng pamilya ang evacuation routes, assembly area, at emergency contact numbers.
Maghanda ng “go bag” na may tubig, ready-to-eat food, flashlight, radyo na de-baterya, face mask (N95 kung maaari), first aid kit, at mahahalagang dokumento na nakalagay sa waterproof envelope. Ang abo ng bulkan ay hindi basta alikabok, maaari itong magdulot ng respiratory problems at makasira ng makina ng sasakyan.
Ikalawa, makinig at tumalima lamang sa opisyal na abiso ng PHIVOLCS at ng lokal na pamahalaan. Iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon sa social media. Ang maling balita ay maaaring magdulot ng panic o kaya’y maling desisyon na maglalagay sa panganib ng buhay.
Ikatlo, sa oras ng paglikas, sundin ang “life over property” principle. Mas mahalaga ang kaligtasan kaysa sa mga ari-arian. Isara ang tangke ng gas at patayin ang main switch ng kuryente bago umalis kung may sapat na oras. Kung may ashfall, manatili sa loob at magsuot ng proteksyon sa mata at ilong kapag lalabas.
Anoman ang ibuga ng bulkan, may sistema tayong masasandalan.






