Home OPINION TAMBAK BIGAS SA BODEGA, PERO PINOY GUTOM

TAMBAK BIGAS SA BODEGA, PERO PINOY GUTOM

185
0

ISINAILALIM sa auction ng National Food Authority ang 750,000 sako ng lumang bigas mula sa bodega sa Valenzuela City na ang layunin ay mapaluwag ang imbakan bago ang peak harvest sa Marso at makalikom ng pondong aabot sa ₱900 milyon.

Ayon sa NFA, ligtas pa ring kainin ang mga stock na tatlo hanggang 18 buwang nakaimbak, na may panimulang bid na ₱25.16 hanggang ₱22.52 kada kilo. Para lamang ito sa retailers, dealers, at wholesalers kaya itsapwera ang direktang mamimili.

Sa unang tingin, tila praktikal na hakbang ang pag-auction upang makabili ng hanggang 1.5 milyong sako ng palay mula sa mga magsasaka. Ngunit sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa pamilihan na umaabot na sa ₱50 hanggang ₱64 kada kilo ang well-milled rice, lumilitaw ang matinding tanong ng taumbayan bakit ngayon pa ibinubuhos sa merkado ang lumang stock kung kailan matagal nang naghahanap ng mas murang bigas ang publiko.

Habang sinasabi ng NFA na makikinabang ang mamimili kung ibebenta ng traders ang bigas sa mas mababang halaga, walang garantiya na ang murang nabiling stock sa auction ay ipapasa sa presyong abot-kaya sa retail.

Sa kasalukuyang sistema, ang ahensya ay tila umaasa sa “trickle-down” na mekanismo na isang pag-asang matagal nang binabatikos sa sektor ng agrikultura. Aminado naman ang ilang retailer na mahirap ang suplay at tumataas ang presyo ng lokal na bigas.

Hindi maikakaila na kailangang lumuwag ang bodega bago ang anihan. Ngunit kung may sapat na stock na ligtas kainin, bakit hindi ito mas maagang inilabas sa merkado bilang direktang tulong sa konsyumer? Bakit kailangang dumaan sa middlemen na may kapangyarihang magtakda ng presyo?

Ang auction ay maaaring magbigay ng kita sa NFA at espasyo sa warehouse, ngunit hindi nito agad sinosolusyonan ang problema ng mataas na presyo sa hapag-kainan. Sa halip na magmukhang reaktibo, dapat maging proaktibo ang pamahalaan sa pamamahala ng buffer stock lalo na sa panahong ang bawat kilo ng bigas ay may katumbas na sakripisyo sa bulsa ng mamamayan.

Kung may aral sa sitwasyong ito, malinaw na hindi kakulangan ng bigas ang pangunahing krisis, kundi kakulangan sa maagap at makataong distribusyon. Ang tunay na sukatan ng polisiya sa bigas ay hindi kung gaano kaluwag ang bodega ng NFA, kundi kung gaano kabusog ang hapag ng bawat Pilipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here