Home NATIONWIDE Kooperasyon ng US, PH vs ‘foreign information manipulation’ pinalakas

Kooperasyon ng US, PH vs ‘foreign information manipulation’ pinalakas

MANILA, Philippines- Nagkasundo ang Pilipinas at Estados Unidos na palakasin ang ugnayan laban sa pekeng foreign narratives, saklaw ang “all kinds of disinformation.”

Nabuo ang commitment sa idinaos na 11th US-Philippine Bilateral Strategic Dialogue (BSD) sa hanay ng senior Filipino at American government officials mula Abril 22 hanggang 23 sa Washington D.C.

Sa ilalim ng category ng “expanding the breadth of Philippines-US partnership” ang dalawang panig ay nangakong ngayong 2024 ay palalalaimin pa ang kolaborasyon sa “countering foreign information manipulation.”

Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na ang partnership ay partikular na makatutulong para labanan ang salaysay na ang Maynila ang siyang pinagmumulan ng tensyon lalo na’t kapag iginigiit nito ang karapatan sa South China Sea.

“Obviously, the false narratives, every time something happens in the West Philippine Sea, China would say we’re putting up an aggressive behavior,” ayon kay Romualdez.

Tinukoy naman ng State Department’s Global Engagement Center, tinalakay ang propaganda at disinformation, ang foreign information manipulation bilang pagsisikap ng foreign state para isulong ang “biased information.”

Sa 2023 report, inuugnay nito ang termino sa Tsina, sabay sabing, “the country do so by suppressing critical information that contradicts its desired narratives on issues such as the South China Sea.”

Winika ni Romualdez na ang kolaborasyon ay maaaring maging kontra-pahayag na nagsusulsol ang Estados Unidos ng “proxy war” sa pagitan ng Maynila at Beijing.

“Collaboration doesn’t necessarily mean it needs any funding — it’s just really working together to try to counter all of those false narratives,” giit ni Romualdez.

Inaasahan na makasasama sa “future cooperation” ang capacity building, information sharing, at pagpapalitan ng best practices, at iba pa.

Ang BSD, unang idinaos noong 2011, nagsilbi bilang pangunahing annual platform para sa Estados Unidos at Pilipinas para pag-usapan ang buong saklaw ng political, security, economic cooperation, kabilang na ang pananaw sa kasalukuyang mga hamon at strategic priorities.

Sa nasabing miting, inalala ng magkabilang panig ang ilang natatanging kaganapan sa nakalipas na taon gaya ng pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at US President Joe Biden; ang joint 2+2 State at Defense Ministerial Dialogue; isang US Presidential Trade and Investment Mission sa Pilipinas at ang makasaysayang trilateral leaders’ summit kasama ang Japan, bukod sa iba pa. Kris Jose