Home NATIONWIDE Korapsyon nais unahing resolbahin kaysa political dynasty – Kamara

Korapsyon nais unahing resolbahin kaysa political dynasty – Kamara

186
0

MANILA, Philippines – Lumitaw sa unang public consultation ng House Committee on Suffrage and Electoral reforms para sa anti-political dynasty bill na mas nais ng mga residente na unahin na tutukan at maresolba ang talamak na korapsyon sa gobyerno kaysa ang usapin sa political dynasty.

Sa ginanap na unang dyalogo sa panukalang anti political dynasty bill na ginanap sa  Carsigma Gym sa Carmona City na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa ibat ibang sektor,  marami sa mga nagpartisipa sa kunsultasyon ang nagsabing hindi sila partikular sa isyu ng dynasty kundi sa korupsyon.

Sa paglalahad ni John dela Cruz na  mula sa  General Mariano Alvarez (GMA) kinuwento nito na ang Carmona ay dating kilala bilang dumpsite ng basura subalit dahil sa mag-asawang Loyola( Rep Roy Loyola at Mayor Dahlia Loyola) na nagpalitan sa pwesto ay nagawang maiahon ang lugar na ngayon ay isa nang siyudad.

Para kay dela Cruz ang malaking problema ay nasa national government at wala sa local government, hindi ang pagpigil sa political dynasty ang sagot sa problema ng bansa kundi ang korupsyon sa mga ahensya kabilang na ang DPWH, Deped at DA.

“Why don’t you craft a law that would make rules stricter, lower the threshold for malversation of public] fund down to P500,000, plunder down to P1 million, and let’s see if someone from the national government would steal.  Political dynasties have no issue with the flood control projects, it’s all about the national,” paliwanag ni dela Cruz.

Gayundin ang posisyon ng isa pang residente na si Beth Biohon, aniya, ang mga botante ang namimili ng iluluklok sa pwesto, kahit galing pa ito sa political dynasty basta mayroong ginagawa para sa ikauunlad ng kanilang lugar at walang bahid korupsyon ay talagang mananalo ito sa eleksyon.

Para kay Biohon, umunlad ang kanilang lugar dahil sa political family na hindi nangurakot kaya wala itong nakikitang problema kung magkakamag-anak ang nakapwesto.

Ilan pang nagpartisipa sa kunsultasyon ang may parehas na pananaw sa political dynasty, anila, maraming lugar sa bansa na pinamumunuan ng political dynasty ang maunlad.

Samantala, sa panig ni Christine Quillosa ng Bagong Alyansang Makabayan-Cavite chapter, ang pagbibigay tuldok sa political dynasties ang magbibigay din ng katapusan sa problema sa korupsyon.

Giit ni Quillosa na ang ugat ng problema ng Pilipinas ay ang political dynasty, ang kapangyaarihan ay nasa kamay lamang ng iilan lamang kaya nanatiling mahirap ang maraming lugar habang ang mga nakaupo ang sya lamang na yumayaman.

Sa pressconference matapos ang public consultation sinabi ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman at Lanao del Sur Rep Zia Adiong na itutuloy nila ang forum sa Cebu at Cagayan de Oro, aniya, dinala ng panel ang diskusyon sa labas ng Kamara upang marinig ang panig ng taumbayan.

“Dinala po naming ang pagdinig na ito sa labas ng Kongreso dahil malinaw ang sinasabi ng Saligang Batas: sovereignty resides in the People. Narito kami para making mismo sa boses ng mamamayan” ani Adiong.

Nasa 1,500 katao ang dumalo sa kunsultasyon. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here