PAMPANGA, Philippines – Arestado ang isang Korean national at dalawang Filipino na tauhan nito habang nailigtas ang 58 katao kabilang ang dalawang menor de edad sa pinaigting na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa human trafficking at cybercrime sa buong bansa, iniulat kahapon.
Ayon kay PMGen. Robert Morico II, acting Director ng CIDG, ang mga inarestong suspek ay kinilala lamang sa mga pangalan “Jong,” 47-anyos, Korean national at operator/manager ng isang umano’y BPO company; “Reg,” 26-anyos, Filipino, secretary; at “Mary,” 31-anyos, Filipino, manager — pawang mga residente ng Angeles City.
Sa pinagsamang operasyon ng CIDG Tarlac Provincial Field Unit, kasama ang CIDG Regional Field Unit 3 – Special Operations Team 3, CIDG Angeles City Field Unit, Bureau of Immigration–Fugitive Search Unit (BI-FSU), at ang lokal na pulisya nadakip ang mga suspek noong Nobyembre 12, 2025, mula 1:00 p.m. hanggang 9:30 p.m. sa bisa ng search warrant para sa paglabag sa Republic Act 9208 na inamyendahan ng RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) sa Prince Balagtas St. corner Don Jesus St., Barangay Santa Teresita, Angeles City, Pampanga.
Sinabi ng mga otoridad na sangkot umano sa ilegal na cryptocurrency farming at trading na pinapalabas bilang isang BPO service company.
Inililihim umano ng mga suspek na ang kanilang mga empleyado — partikular na ang mga menor de edad — ay ni-recruit bilang call center agents ngunit ginagamit sila sa in-game at online cryptocurrency gaming, pinagtatrabaho nang sapilitan, at inaabuso.
Sa operasyon, nailigtas ng mga awtoridad ang 56 na adult workers at 2 menor de edad, at nakumpiska ang 132 desktop computer sets, 44 na cellphone units, at 2 modem/routers, na tinatayang nagkakahalaga ng P1,540,000.
Kinasuhan ang mga suspek sa National Prosecution Service dahil sa paglabag sa Section 4(j) kaugnay ng Section 3(d) ng RA 9208 (na inamyendahan ng RA 10364) at Section 6 ng RA 10175. /Mary Anne Sapico