Sumalang na nga si Korina Sanchez sa Face To Face sa TV5!
This time ay may kakaibang twist ang programa na mas pinalapit sa puso ng masa dahil personal na nakasama ni Ate Koring ang mga residente ng E. Rodriguez, Quezon City sa ginanap na public viewing ng pilot episode, na ginanap sa barangay court.
Kasama ni Ate Koring sina Donita Nose at ang bagong ‘Harapang Tagapayo’ na sina Atty. Lorna Kapunan, Dr. Camille Garcia, at Bro. Jun Banaag (kilala din bilang Dr. Love), para sa isang masayang panonood kasama ang mga ka-barangay.
Layunin ng Face to Face: Harapan na bigyang-boses ang mga totoong isyu ng mga ordinaryong Pilipino at tulungang ma-resolba ang mga ito.
Tinampok sa unang episode ang mainit na sagupaan ng magkakapitbahay na nag-akusahan ng pangkukulam!
Sa kanyang prangka at pantay na pag-aanalisa, ipinakita ni Ate Koring ang kanyang husay sa pag-intindi sa mga usaping mahalaga sa masa.
Aliw na aliw naman ang mga manonood sa mga patawang hirit ni Donita Nose bilang kakampi sa mga nagdedebateng panig, habang si Ate Koring naman ang nagbibigay ng mas malalim na pananaw sa bawat alitan.
Talaga namang nakatutulong ito sa mga manonood na tingnan ang bawat isyu mula sa mas bukas na perspektibo.
Sa Face to Face: Harapan, ipinakita ni Ate Koring ang kanyang tunay na malasakit sa masa, na nagdadala ng mga kwentong may lalim at damdamin.
Ipinahayag niya ang kanyang tuwa sa bagong format ng programa at sinagot ang mga tanong ukol sa kanyang branding.
“My brand is masa, ang brand ko talaga ay malapit sa ordinaryong tao—kwentong buhay talaga ang aking forte. Eto at live ko na silang maririnig,” pahayag niya.
Ang Face to Face: Harapan ay napapanood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, alas-4 ng hapon. JP Ignacio