Home NATIONWIDE Kredibilidad ni Inday Badiday, binanggit ni Lacson sa pagsopla kay Imee vs...

Kredibilidad ni Inday Badiday, binanggit ni Lacson sa pagsopla kay Imee vs fake news

85
0

MANILA, Philippines – Tunay, tapat, at pinagkakatiwalaan ang yumaong showbiz journalist at “Queen of Intrigues” na si Inday Badiday. Sa kabilang banda, ang iniharap ni Sen. Maria Imelda Josefa Remedios Marcos sa plenary noong Lunes ay peke, purong propaganda, at walang bahid ng katotohanan, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes.

Ani Lacson, “flat, outright lies” ang mga paratang ni Imee na pinagusapan ng minority bloc ng Senado ang pagpapalawig ng termino ng halal na opisyal sa pamamagitan ng constituent assembly (Con-Ass).

“In showbiz, during her prime, Maria Lourdes Jimenez-Carvajal, more popularly known as ‘Inday Badiday,’ was a decent person. She was authentic and truthful, trusted and credible. In the Senate plenary yesterday, peke ang source, peke ang messenger; pati ang back-up, peke,” ani Lacson sa kanyang X account Martes ng umaga.

Mula pa noong nakaraang linggo, inaangkin ni Marcos na may umano’y tangkang kontrolin ang liderato ng Senado upang bigyang-daan ang mga pag-amyenda sa Konstitusyon para mapalawig ang termino ng matataas na opisyal ng pamahalaan.

Dagdag ni Marcos, layunin umano nito na palawigin ang termino ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, at itaas ang age requirement para sa mga ito mula 40 tungo sa 50 taong gulang upang madiskuwalipika si Vice President Sara Duterte. Inulit niya ito sa sesyon ng Senado noong Lunes.

Nakibahagi si Lacson sa mosyon ng kanyang mga kasamahan sa minority bloc na ipa-strike off the record ang mga bahagi ng privilege speech ni Sen. Marcos na naglalaman ng naturang mga alegasyon.

“Ang pinaguusapan lang namin, kung paano natin isasalba ang integridad, dignidad, at reputasyon ng Senado. Wala po kaming ibang pinaguusapan. Kaya kami nagpaplano mag-take over sa Senate leadership e para sa Con-ass, never!” aniya.

Sinabi ni Lacson na nasaksihan niya ang bahagi ng pag-uusap nina dating Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Faustino Dy III, kung saan tinalakay ang panukala ng Speaker na dagdagan ang bilang ng mga senador mula 24 hanggang 36 — at hindi ang pagpapalawig ng termino ng mga halal na opisyal.

Pinagtibay rin niya ang mga pahayag ng kanyang mga kasamahan sa minority bloc na hindi kailanman natalakay ang Con-Ass “in as many caucuses that we held or we had in different places.”

Pinasinungalingan din ni Lacson ang alegasyon ni Marcos na nais umano ng minority bloc na palawigin ang termino ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, at itaas ang age requirement mula 40 hanggang 50 upang ma-disqualify si Vice President Duterte.

“Baligtad doon sa katotohanan dahil ang narinig kong usapan nila ibababa ang age … from 40 to 35,” aniya.

“Paano nabuo ang storya na katakot-takot pa ang mga video? Wala pong katotohanan,” dagdag niya.

“So with that, I support the motion of the former Senate President, former Majority Leader Migz Zubiri, to strike off the record ang mga portions na offensive sa mga kapwa natin Senador,” giit ni Lacson. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here