Home NATIONWIDE Krimen sa bansa ‘di lumalala; crime rate bumaba ng 16.5% — PNP

Krimen sa bansa ‘di lumalala; crime rate bumaba ng 16.5% — PNP

359
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na hindi lumalala ang sitwasyon ng krimen sa bansa matapos maitala ang pagbaba ng crime rate ng 16.5 porsiyento sa unang walong buwan ng 2025.

Batay sa datos na ibinahagi ni PNP Public Information Chief Brig. Gen. Randulf Tuaño nitong Lunes, Setyembre 1, umabot sa 26,969 ang insidente ng focus crimes mula Enero 1 hanggang Agosto 28, 2024, kumpara sa 22,519 insidente sa parehong panahon ngayong taon.

Kabilang sa focus crimes ang murder, homicide, rape, physical injury, carnapping ng motorsiklo at kotse, at theft, ayon sa PNP.

“The crime situation is not worsening in the Philippines,” pahayag ni Tuaño sa isang press briefing sa Camp Crame.

Ang ulat ay kasunod ng travel warning ng Chinese Embassy sa Maynila noong Sabado na nagsabing lumalala umano ang public security sa Pilipinas at tumataas ang bilang ng krimeng target ang mga Chinese nationals.

Ayon kay Tuaño, inatasan ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang Directorate for Intelligence na makipag-ugnayan sa Chinese Embassy upang malaman ang mga partikular na reklamo.

Noong Hulyo, naglabas din ng overseas study alert ang Chinese Ministry of Education at pinayuhan ang mga estudyanteng Tsino na tasahin ang security risks sa Pilipinas.

Sa tugon noon, sinabi ni dating PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na habang iginagalang nila ang opinyon ng China, naniniwala siyang ang Pilipinas ay nagiging “battleground” ng mga Chinese nationals na nagkakasangkot sa krimen laban sa kapwa nila Tsino.

Sa tala ng PNP, may 21 insidente ng kidnapping ng Chinese nationals laban sa kanilang kababayan mula Enero hanggang Agosto 2025. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here