Home NATIONWIDE Appointment ni Dizon sa DPWH suportado ng QC LGU

Appointment ni Dizon sa DPWH suportado ng QC LGU

249
0

MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Quezon City government ang buong suporta nito sa pagkakatalaga kay Secretary Vince Dizon bilang bagong pinuno ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa isang pahayag nitong Linggo ng gabi, sinabi ng lokal na pamahalaan na kumpiyansa silang maihahatid ni Dizon ang mga reporma, binigyang-diin ang kanyang track record bilang lingkod-bayan na nagdala ng “transformative results” sa kanyang mga naunang posisyon.

“We are confident that under his stewardship, the DPWH will further embody transparency, accountability, and efficiency in the implementation of public infrastructure,” ayon sa pahayag.

Kabilang sa mga inaasahan ng lungsod ang masusing pagtutok ni Dizon sa solusyon sa matagal nang problema ng pagbaha, kabilang na ang pagpapalawak ng implementasyon ng Drainage Master Plan ng Quezon City.

Dagdag pa rito, umaasa ang pamahalaang lungsod na maisusulong ang mga reporma upang matiyak na bawat pisong pampubliko ay magagamit nang wasto para sa mga proyektong imprastruktura na nagpoprotekta ng buhay at ari-arian, at nagpapalakas ng resiliency laban sa climate change.

Tiniyak din ng Quezon City government ang aktibong pakikipagtulungan nito kay Dizon para sa mga proyektong mas ligtas, inklusibo, at climate-resilient.

Bago maupo sa DPWH, nagsilbi si Dizon bilang presidente at CEO ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), testing czar noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic, at pinakahuling kalihim ng Department of Transportation (DOTr).

Pinalitan niya si Manuel Bonoan, na nagbitiw bilang DPWH secretary kasunod ng imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa flood control projects ng ahensya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here