Home METRO Krimen sa Metro Manila bumagsak – NCRPO

Krimen sa Metro Manila bumagsak – NCRPO

MANILA, Philippines- Ibinandera ng National Capital Region Police Office ang pagbaba ng crime index nitong January 2025.

Base sa tala ng NCRPO, patuloy ang pagsunod nila sa Able, Active, at Allied (AAA) policing approach, dahilan kaya nagkaroon ng 19.61% decrease sa kabuuang bilang ng 8 Focus Crimes o Index Crimes mula January 1-31, 2025 kumpara sa nakalipas na taon sa kaparehong panahon.

Kabilang sa mga krimen na bumaba ang bilang ay ang kaso ng rape na bumaba ng 46.49%, physical injuries na bumaba ng 37.14%; homicide na nabawasan ng 28.57%; murder na bumaba ng 17.65%; at theft na nabawasan ng 23.05%.

Paliwanag ng NCRPO, ang patuloy na pagbaba ng index crimes ay resulta ng maximized at consistent visibility efforts ng mga pulis na nakaangkla sa layuning pagkakaroon ng police force na nakikita naririnig at nararamdaman ng komunidad.

Ayon kay NCRPO Acting Regional Director PBGen Anthony Aberin, ang naturang tagumpay ay dapat maging susi para naisin pa ng kanyang mga tauhan na mas palakasin pa ang sitwasyon ng kapayapaan at seguridad sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagtupad nang maayos sa kanilang tungkulin na crime prevention and solution. Dave Baluyot