Home OPINION KULAY POLITIKA BA? 

KULAY POLITIKA BA? 

HINDI hadlang kung salat man sa kaalaman sa batas ang sinomang nagnanais kumandidato bilang mambabatas dahil pwede naman silang magtalaga ng mga abogado na tutulong sa kanila sa mga naising ilatag na panukalang batas o anomang gawain na nakaatang sa kanilang balikat  bilang isang public servant.

Kahit hindi nakasaad sa kwalipikasyon na dapat ay isang abogado ang tatakbo bilang mambabatas, malaking bentahe siyempre sa mga naluluklok sa posisyon na maging malawak ang kaalaman sa batas lalo na sa pagtatanggol sa kanilang mga panukala at maging sa pagsasagawa ng mga pagdinig sa paglikha ng batas.

Nasasaksihan naman ng taumbayan kung papaano naging bentahe ang mga abogadong mambabatas lalo na sa panahon ng debate at talakayan dahil nangingibabaw ang wastong katuwiran ng isang may malawak na kaalaman sa batas kumpara sa mga hindi kumuha man lamang ng kursong abogasya.

Dito nga lang sa ginagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, lumutang ang malawak na kaalaman ni Senator Chiz Escudero bilang isang abogado.

Nagpatawag kasi ng pagdinig si Dela Rosa na kanyang sariling pagkukusa kaugnay sa nakumpiskang 1.4 toneladang shabu sa Alitagtag, Batangas at sa sinasabing “leak” o pagpapakalat ng dokumento ng Philippine Drug Enforcement Agency  na nagdarawit  kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos  Jr. at aktres na si Maricel Soriano.

Pinaharap ni Sen. Bato ang testigo raw na dating PDEA agent na si Jonathan Morales upang patunayan na nasa listahan ng ahensiya ang pangalan ng Pangulo. Kaya lang, nang tanungin si Morales kung saan niya nakuha ang impormasyon, sinabi raw ito sa kanya ng isang impormante na hindi na niya maalala ang pangalan kaya naman marami ang nairita sapagkat tsismis lang pala ang kanyang impormasyon.

Dahil wala palang personal na kaalaman si Morales sa kanyang mga isiniwalat sa pagdinig, nagsalita si Escudero  at ipinaliwanag ang kahalagahan nang pagpapatawag sa testigo na kailangan ay hindi ibinabatay sa kung ano lang ang kanyang narinig o kung ano ang may nagsabi sa kanya.

Dahil dito, lalong dumami ang nagtatanong kung may kulay politika raw ba ang ipinatawag na ‘motu proprio’ na pagdinig ni Dela Rosa  lalo na’t alam naman ng lahat ang plano niyang muling pagtakbo sa Senado sa midterm elections.