Home METRO Kumakaing misis pinalamon ng bala ng selosong mister

Kumakaing misis pinalamon ng bala ng selosong mister

CEBU CITY- PATAY ang isang misis matapos pagbabarilin ng selosong mister habang kumakain ang una sa sa harap ng Tabunok Public Market, iniulat kahapon sa Talisay City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang biktima na kinilalang si Ailyn Dominguez Francisco, nasa hustong gulang, negosyante habang tugis naman ang suspek na mister na si Rodino Francisco, nasa hustong gulang at kapwa residente ng Camp 2, Barangay Jaclupan, Talisay.

Ayon kay Police Lt. Col. Epream Paguyod, hepe ng Talisay City Police Station, bandang 9:45 PM ng maganap ang krimen sa isang kainan sa Nacario Street, Brgy. Tabunok, ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kumakain ang biktima kasama ang kamag-anak ng bigla na lamang dumating ang suspek sakay ng motorsiklo.

Dito, nilapitan ang biktima at walang babalang pinagbabaril sa katawan saka mabilis na tumakas.

Agad naman dinala sa ospital ang biktima subalit nalagutan rin ito ng hininga habang ginagamot.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, matagal ng nagseselos ang suspek sa hinalang may ibang lalaking kinalolokohan ang misis nito (biktima).

Nagpapatuloy naman ang manhunt operation ng pulisya laban sa suspek para malaman ang tunay na motibo sa krimen at managot./Mary Anne Sapico