MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang qualification standards para sa mga bagong posisyon ng school counselor sa mga pampublikong paaralan.
Layunin nitong suportahan ang pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, na nagpapalakas sa mga serbisyong pangkalusugan ng isip para sa mga mag-aaral.
Ayon sa CSC, kabilang sa mga bagong posisyon ang Schools Division Counselor, School Counselor I hanggang IV, at School Counselor Associate I hanggang V.
Para sa Schools Division Counselor at School Counselor I-IV, kinakailangan ang master’s degree sa guidance and counseling o psychology at lisensya bilang guidance counselor o psychologist. Depende sa posisyon ang kinakailangang karanasan at pagsasanay.
Samantala, ang mga aplikante sa School Counselor Associate I-V ay dapat may bachelor’s degree sa guidance and counseling, psychology o kaugnay na kurso, may 18 units sa behavioral science, 200 oras na practicum o internship, at Career Service Professional Eligibility.
Ayon sa CSC, ang mga pamantayang ito ang magiging batayan sa paghirang ng mga bagong school counselor sa Department of Education (DepEd). RNT/MDS