BENGUET, Philippines – Nagbabala ang La Trinidad municipal government sa publiko laban sa pagbili ng umano’y smuggled broccoli na naiulat na ibinebenta sa mga pamilihan sa La Trinidad at kalapit na Baguio City.
Ayon sa LGU, sinabi ng Cordillera Broccoli Traders and Farmers Association na kapansin-pansin umano sa imported broccoli ang magkakaparehong sukat, malinis na pagkakaputol sa ilalim at kawalan ng tangkay kumpara sa karaniwang locally grown broccoli.
Ibinabala rin ng grupo ang posibleng health risks dahil hindi umano dumaan sa wastong screening ang mga naturang gulay. Gayunman, wala pang laboratory result na nagpapatunay kung mayroon itong preservatives o iba pang kemikal na maaaring makasama sa kalusugan.
Sinabi ng La Trinidad LGU na kukuha ng samples ng hinihinalang illegally imported vegetables para sa laboratory testing upang matukoy ang nilalaman ng mga ito.
Ayon naman sa League of Associations at the La Trinidad Vegetable Trading Post, isang sample ng hinihinalang smuggled broccoli na dumating noong Setyembre 4 ay sariwa pa umano ang itsura noong Setyembre 21, bagay na ikinabahala ng mga lokal na trader.
Bukod sa usaping pangkalusugan, sinabi ng LGU na nakaaapekto rin ang ilegal na pagpasok ng highland vegetables sa kabuhayan ng mga magsasaka sa Benguet at Cordillera.
Nakikipag-ugnayan na ang municipal government sa farmers’ at traders’ groups at Department of Agriculture-Cordillera upang tugunan ang problema.
Hinimok din ang publiko na i-report sa mga kinauukulang awtoridad ang makikitang hinihinalang illegally imported broccoli sa mga pamilihan. RNT