LIPA CITY, Batangas – Dalawang magkapatid ang tinukoy ng Philippine National Police (PNP) na umano’y nasa likod ng serye ng bomb threats laban sa ilang paaralan sa Lipa City, Batangas na nagsimula noong Agosto.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Allen Rae Co, ipinadala umano ang mga pagbabanta gamit ang mga dummy Facebook account, na nagdulot ng takot at pagkaantala ng klase sa ilang paaralan.
Nakuha ng mga awtoridad ang isang Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD), na ginamit upang masuri ang electronic devices na iniuugnay sa mga suspek.
Batay sa paunang imbestigasyon, estudyante ng isa sa mga unang paaralang nakatanggap ng banta ang nakababatang kapatid. Sinabi ng PNP na gumamit umano ang magkapatid ng aliases at dummy accounts bago nagpadala ng katulad na pagbabanta sa iba pang institusyon.
Wala namang nakitang indikasyon ang pulisya na may kakayahan silang makakuha ng baril o pampasabog, ngunit iginiit ni Co na seryosong krimen ang pagpapakalat ng bomb threats.
“Making bomb jokes is no joke. This is not a laughing matter,” ani Co.
Sinabi ng PNP na maaaring maharap ang mga suspek sa mga kasong may kaugnayan sa grave threats at Presidential Decree No. 1727, na nagpaparusa sa sadyang paggawa o pagpapakalat ng pekeng banta kaugnay ng bomba o pampasabog.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo at iba pang posibleng pananagutan ng mga sangkot. RNT