Home METRO Labi ng babaeng Slovakian umalingasaw sa kapilya sa Boracay

Labi ng babaeng Slovakian umalingasaw sa kapilya sa Boracay

BORACAY – Natagpuang patay ang 23-anyos na Slovakian na si Michaela Mickova sa isang abandonadong kapilya sa Barangay Balabag, Boracay Island noong Marso 12, dalawang araw matapos siyang maiulat na nawawala.

Ayon sa pulisya, ang kanyang katawan ay nasa estado na ng pagkaagnas at natagpuan na walang pang-ibabang kasuotan bandang 2:19 ng hapon.

Tiniyak ng Police Regional Office 6 (PRO 6) na gagawin ang lahat upang makamit ang hustisya para kay Mickova at mahanap ang may kagagawan ng krimen.

Kinumpirma rin ng Aklan Police Provincial Office na nagsimula na ang imbestigasyon ng Malay Municipal Police Station upang makalikom ng ebidensya at matukoy ang sanhi ng pagkamatay at posibleng mga suspek.

Bagamat itinuturing na “hiwalay na insidente” ang pangyayaring ito, tiniyak ng mga awtoridad na nananatiling ligtas ang Boracay, kasabay ng pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad tulad ng mas pinaigting na presensya ng pulisya at patrol. RNT