Home NATIONWIDE Demolition job sa’kin nagpataas pa ng rating ko – Sen. Bato

Demolition job sa’kin nagpataas pa ng rating ko – Sen. Bato

MANILA, Philippines — Sinabi ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Huwebes na ang mga pagsisikap na sirain ang kanyang pangalan ay lalo pang nakakatulong sa kanyang pagtakbo sa re-election para sa 2025 midterm elections.

“Very effective yung kanilang demolition job laban sa akin dahil paangat ako nang paangat,” pahayag ni Dela Rosa sa panayam ng ANC, habang binanggit ang pag-angat ng kanyang posisyon sa pinakabagong survey ng Pulse Asia. Mula sa pagraranggo sa ika-12 hanggang ika-14 na pwesto, umakyat siya sa ika-4 hanggang ika-7 pwesto na may 44.3% na rating.

Idinagdag din ng senador na bahagi ng “demolition job” ang pag-aresto sa dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC), na aniya’y may layuning pahinain ang tiket ng mga kandidato sa Senado na sinusuportahan ni Duterte.

Sa kabila ng mga balitang posibleng maglabas ng warrant ang ICC laban sa kanya, nanindigan si Dela Rosa na hindi nito mahahadlangan ang kanyang pagtakbo sa Senado.

“Kung lalabas yung warrant na yan, hindi ako mapipigilang tumakbo — taumbayan ang magdedesisyon,” sabi niya.

Muli ring sinabi ni Dela Rosa ang kanyang kahandaang harapin ang ICC kung sakaling maglabas ito ng warrant laban sa kanya, ngunit gagawin lamang ito matapos niyang gamitin ang lahat ng legal na paraan sa Pilipinas. RNT