Home NATIONWIDE Labi ng Pinay OFW na nasawi sa sunog sa UAE iuuwi ng...

Labi ng Pinay OFW na nasawi sa sunog sa UAE iuuwi ng Pinas

MANILA, Philippines – Sinisikap na ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) na maiuwi ang mga labi ng overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa sunog sa isang residential tower sa Sharjah City sa United Arab Emirates (UAE) noong nakaraang linggo.

Sinabi ni DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac na iuuwi ang bangkay ng OFW kasama ang kanyang asawa na malubhang nasugatan ngunit nakalabas na sa ospital.

Kabilang ang OFW sa limang tao na namatay sa sunog at sinabi ni Cacdac na ang sanhi ng kamatayan ay matinding paglanghap ng usok.

Sinabi ni Cacdac na mayroong 13 Pinoy sa loob ng residential tower nang mangyari ang sunog, kabilang ang dalawang bata.

“Ang ibang mga Pilipino ay hindi nasaktan at nananatili ngayon sa isang hotel. Naghihintay na lang sila ng clearance para makabalik sa building,” ani Cacdac.

Sinabi ni Cacdac na inatasan na ni Pangulong Marcos ang DMW na ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong sa lahat ng mga biktimang Pilipino sa UAE, gayundin ang isa pang OFW na naiulat na nasugatan sa sunog sa Hong Kong. RNT