Home HOME BANNER STORY Labor group nabahala sa pahayag ni PBBM sa ‘wage hike’

Labor group nabahala sa pahayag ni PBBM sa ‘wage hike’

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang mga labor group sa naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na rerebyuhin niya ang panukalang P200 umento sa sahod na nakapasa kamakailan sa Kamara.

Ayon kay Atty. Sonny Matula ng Federation of Free Workers na matagal nang hinihintay ito ng mga manggagawa at suportado ng datos.

“Nababahala kami sa statement na dapat dumaan pa ito sa comprehensive review. Hindi na kinakailangan ang opinion ng Wage Boards sapagkat dumaan na ito sa mga debate and deliberation sa House at saka sa Senado,” ani Matula.

“Hindi naman po Court of Appeals ng Kongreso ang ating mga Wage board na dapat i-consulta pa sila sa nangyaring pagpasa o pinasang panukalang batas,” dagdag pa ni Matula.

Nauna nang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na rerebyuhin ng Pangulo ang magiging epekto sa ekonomiya ng nasabing panukalang batas.

Mas mataas ang House version (P200) kumpara sa Senate version (P100).

Kailangang magusap ang Kamara at ang Senado at plantyahin ang pagkakaiba sa kanilang isinusulong bago at dapat na maratipikahan ang panukala bago matapos ang 19th Congress sa Hunyo 13 upang mapirmahan ito ng Pangulo. RNT